Maraming salamat sa pag-DL ng #ParehoTayo! #Gloc9
Ikinagulat ng lahat ang pag-release ni Gloc-9 ng kantang “Pareho Tayo” sa unang linggo ng 2016. Hindi lang kasi ito isang independent release, libre ring mapapakinggan at mada-download ang kantang ito, na ikinatuwa naman ng kanyang mga tagahanga at tagasuporta.
Internet connection lang ang katapat, at puwede nang marinig ang bago niyang kanta. Sabi nga ni Gloc-9, ito ang kantang hindi mo kailangan ng pera para mapakinggan.
Kung tutuusin hindi ito ang unang beses na nag-release ang rap icon ng independent song. Noong nakaraang taon, kanyang inilabas ang kantang “Payag,” isang pagtatangkang mas maintindihan kung bakit iisang klaseng pulitika ang laging kinakaharap ng mga Pilipino, kahit na ito ring pulitikang ito ang dahilan ng kanyang kahirapan. Walang binabanggit na pangalan sa “Payag” ngunit patungkol ito sa klase ng pulitikong matamis ang pananalita at magaling mangako.
Ang “Pareho Tayo” ay kaiba sa “Payag,” dahil bagamat nakatungtong pa rin ito sa katotohanan ng naghihirap na lipunan, mayroon itong naaaninag na posibilidad ng pagbabago. Binubuo ni Gloc-9 sa “Pareho Tayo” ang isang lugar at panahon kung saan ang mga karapatang mag-aral at magpa-ospital ay hindi na pribilehiyo, kung saan walang diskriminasyon base sa kulay ng balat, sa pagkain sa ating lamesa, sa ating kinabibilangang uri sa lipunan.
Isa’t-kalahating araw matapos mag-post si Gloc-9 tungkol sa “Pareho Tayo,” umabot sa halos 8,000 hits ang kanta, at 600 downloads. Hindi ito biro para sa isang bansang mabagal at mahal ang internet.
Nagpasalamat naman si Gloc-9 sa kanyang mga tagahanga, at umaasa sa kanilang patuloy na suporta sa kanyang mga proyekto sa 2016.***