Gloc-9: Nang magkatinig ang pipi
ni Bienvenido Lumbera, National Artist
May dalawang awit si Gloc-9 na matingkad ang nilalam ang kamalayang panlipunan. Una, ang UPUAN, na kumakausap sa mayayaman na may “malaking bahay at malawak na bakuran.” Sila ang nakaupo at namimin tana. Sinasabihan sila na “subukan nyo namang tumayo”. Baka sakali raw ay matanaw ng namimintana “ang tunay na kalagayan” ng umaawit. Ano ba ang kalagayan ng namamalimos ng pansin?
Iisa-isahin niya ang palatandaan ng matinding kahirapan. Pantakal ng bigas ay “di puno.” “Pinagtagpi-tagping yero ang bubong.” “Takureng “uling-uling” ang gamit sa kalan. Sa umaga ang kusina’y “aming banyo. “Kitang singuwenta pesos maghapon ay pagkakasyahin sa mga pangangailangan.
Ano naman ang kalagayan ng namimintana? Malaking bahay at malawak na bakuran. Pinapaligiran ng mataas na pader. “Mga plato’t kutsara na hindi kilala ang tutong.” Kahit hindi pasko ay may nakahaing hamon. Kaning simputi ng gatas. “Nakapil ang mga mamahaling sasakyan.” Ang awit ni Gloc-9 ay tungkol sa dalawang magkataliwas na uri sa lipunang Filipino, ang tinatawag ng mga aktibistang “naghaharing uri” at ang karaniwang taguriang “masa” kapag nagraraly ang mga kabataang nagdadala ng linyang Pambansang Demokrasya.
Sa isa pang awit ay itinatangi sa pangingibang-bayan ng mga mahirap na nagbabaka-sakaling kumita ng malaki sa pamamagitan ng pagpapaalila sa mga dayuhan. Ito ang WALANG NATIRA. Binubuksan ang awit ng “Napakaraming guro dito sa amin, ngunit bakit walang natira. Napakaraming nars dito sa amin, ngunit bakit tila walang natira. Nag-aabroad sila. . .” Sa ibang bayan, “ang pahinga’y iipunin para magamit pag-uwi,” “mabahiran ng tsokolate ang matamis na ngiting anak na halos di nakilala ang ama o ina na wala sa tuwing kaarawan nila. ” Sa dakong huli, kakausapin ng umaawit ang mga OFW – “subukan mong isipin kung gaano kabigat na buhat ang maleta halos hindi mo maangat” na ang implikasyon ay ang bigat ng problemang paglisan sa sariling bayan, ang pakiki pamuhay sa dayuhang naiiba ang kultura at ang magaganap na pagkawasak ng pamilya. Muli ang awit na ito ay umuungkat sa kahirapan at sa iba pang suliraning panlipunan.