Gloc-9, balik Star Music!
Noong 1999, ipinahanap ni Enrico Santos ng Star Records si Aristotle Pollisco sa Binangonan Rizal – ito lang ang nakasulat sa casette na may sample ng mga kanta ng rapper na makikilala natin bilang Gloc-9.
Sa Star Records rin lalabas ang una niyang self-titled CD, na naglalaman ng kantang “Bakit” na isinali niya sa Himig Handog Love Songs 2002, at ang mga kantang “Isang Araw” at “Ayoko Na” na parehong ginamit sa pelikulang Trip ng Star Cinema.
Ngayon, matapos ang sampung taon, ay nagbabalik si Gloc-9 sa recording company na unang nagtiwala sa kanyang kakayahan sa pagsusulat ng kanta at pagra-rap. Sa pagbabalik niyang ito ay maaasahan ang matitinding collaboration sa pagitan ni Gloc-9 at ng team ng Star Music, na isa sa pinaka-produktibo at creative na mga recording company sa kasalukuyan.
Patuloy naming maaasahan ng mga tagahanga at tagasuporta ni Gloc-9 ang mga kantang makabuluhan ngunit hindi nagsesermon, na tatalakay sa mga sitwasyong madalas ayaw nating makita, ngunit sa pamamagitan ng awit ay nagagawa nating pagusapan.
‘Yan ang tatak ng mga kanta ni Gloc-9, at sa kanyang pagbabalik sa Star Music, tiyak lalo pang magiging metatag ang tatak na ito.***